CENTRAL MINDANAO – Dead on arrival sa pagamutan ang isang security guard sa pamamaril sa Cotabato City.

Nakilala ang biktima na si Antolin Borda Morales, 41-anyos, may asawa at residente 18 Palma Street Brgy. Poblacion 6 Cotabato City.

Ayon kay Police Colonel Michael Lebanan ang Hepe ng Cotabato City Police Office na habang lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo sa bahagi ng Bonifacio Street Brgy. Poblacion 6 sa syudad ng Cotabato ay bigla itong pinagbabaril ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa lungsod ng Cotabato.

Agad dinala ng mga nagrespondeng pulis si Morales sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at isa sa dibdib ang biktima resulta ng agaran nitong kamatayon.

Personal na atraso ang tinitignan ng mga otoridad na motibo sa pamamaslang sa biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.