-- Advertisements --

DAUIN, NEGROS ORIENTAL -Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591, o ang “Comprehensive Law on Firearms and Ammunition” at “Serious Illegal Detention” ang isang security escort ng pamilya ni Dauin Negros Oriental Mayor Galic Truita kasunod ng ginawang panghostage nito sa pamilya ng alkalde noong Sabado, Agosto 27.

Nakilala ang 57 anyos na suspek na si Venerando Dalope, tubong Santa Barnara, Pangasinan ngunit kasalukuyang naninirahan sa Masaplod Sur, Dauin, Negros Oriental.

Kabilang sa hinostage nito ang asawa ni Truita na si Maricar, anak nitong si Jemimie at ang dalawang kasambahay na sina Lisa Tuban at Connie Abarrientos.

Nasa Maynila naman si Mayor Truita nang nangyari ang insidente at siyang tumawag ng pulis para humingi ng tulong.

Nalutas naman ito kasunod ng pagsasagawa ng negosasyon ng pulisya.

Hindi rin malinaw kung ano ang motibo at ang mga kahilingan ng suspek ngunit napag-alaman na dumaranas ito ng nervous breakdown.

Sumuko naman si Dalope dala ang isang walang lisensyang Cal. 45 pistol na may 7 live ammunition.

Narekober naman sa isinagawang follow up investigation ng pulisya ang Colt M16 rifle na may 30 rounds ng bala mula sa stockroom.

Kasalukuyan namang nakadetain ang suspek sa detention facility ng Dauin Police Station.