-- Advertisements --

Naniniwala si Taiwanese Foreign Minister Joseph Jaushieh Wu na posibleng magkakaroon ng security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

Ito ay dahil na rin sa halos pagkakatulad ng security threat na hinaharap ng dalawa, lalo na sa usapin ng territorial claims, laban sa China.

Maliban dito, maaaring magkaroon ng coast guard cooperation sa pagitan ng dalawa, kasama na ang disaster response cooperation.

Naniniwala rin si Wu na makakatulong ng malaki ang nauna nang inaprubahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr, na pagpapalawak sa Enhanced Defense Cooperation Agreement bases ng Estados Unidos.

Ang nasabing hakbang aniya ay makakatulong para mapanatili ang status quo sa West Philippine Sea, kasama na ang Taiwan Strait na aniya’y malimit na tinatarget ng China, sa mga isinasagawa nitong maritime drill.

Sa kabila ng pagnanais ni Wu para sa security cooperation kasama ang Pilipinas, nilinaw naman nito na hindi niya ito ipipilit sa Pilipinas.

Umaasa lamang ito aniya na pag-iisipan ng Pilipinas ang posibilidad na security cooperation dahil sa iyak na makabubuti ito sa dalawang bansa, lalo na sa pagmentene sa kaayusan at seguridad ng West Philippine Sea.