-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagalak ng Security and Exchange Commission (SEC) na matagumpay na nakuha ng joint police at Philippine Coast Guard operations ang wanted na si Kabus Padatoon (KAPA) founder Joel Apolinario habang nagtatago sa Hamdayaman,Lingig,Surigao del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni SEC 10 regional director Atty Reynato Egypto na inilihim nila ng ilang buwan ang paglabas ng warrant of arrest laban kay Apolinario mula korte ng Cagayan de Oro City para hindi masunog ang malawakang operasyon ng mga otoridad.

Inihayag ni Egypto na umaasa sila na ito na ang simula na mabigyan ng hustisya ang maraming miyembro ng KAPA na niluko at tinakasan nila nang mabulabog ang money making scheme ni Apolinario.

Kinompirma ng opisyal na isang taga- Cagayan de Oro City na complainant ang dumulog sa National Bureau of Investigation 10 upang magpatulong masampa ang kasong syndicated estafa kung saan nilabasan naman ng warrant of arrest ni Regional Trial Court Branch 21 Judge Gil Bollozos noong Pebrero nitong taon.

Hinikayat rin ni Egypto na ibang mga miyembro na tuluyan nang magsampa ng kaso upang hindi na makapag-panloko pa ang grupo sa darating na panahon.

Magugunitang nagsimula ang matapang na talakayan laban sa grupo ni Apolinario sa Bombo Radyo Stations ng Mindanao hanggang umaabot sa Luzon at Visayas bago nakaabot sa atensyon ni Pangulong Rodrigo Duterte taong 2019.