Hinimok ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magtakda ng ceiling sa interest rates at iba pang fees na ipinapataw ng mga lending at financing companies sa gitna na rin ng mga reklamo ng publiko.
Kaugnay nito ay gumawa na ng liham si SEC Chairperson Emilio Aquino noong Oktubre 8 para kay BSP Governor Benjamin Diokno para hilingin sa BSP na ikonsidera ang pagtatakda ng ceiling sa naturang mga charges para na rin malabanan aniya ang “predatory lending” na tinatawag.
“With lending/financing companies that charge as much as 2.5 percent interest rate per day on top of other fees and charges, predatory lending continues to be one of the major subjects of complaints that the Commission receives from the public,” saad ni Aquino sa kanyang liham kay Diokno.
Nilinaw ng opisyal na ang ceiling na kanyang iminumungkahi ay hindi para sa lahat ng nasa financial sector, pero para lamang sa mga consumer loans at payday loans na iniaalok ng mga lending at financing companies.
Sa ilalim ng batas, ang Monetary Board ng central bank, katuwang ang SEC at ang industriya, ay maaring makapagtakda ng maximum rates o rates sa lahat ng charges ng mga financing companies tulad na lamang ng purchase discounts at lease rentals.
Pinapahintulutan din ng batas ang naturang mga government bodies na mag-prescribe ng interest rates na ipapataw ng lending companies base na rin sa umiiral na economic at social conditions.
Subalit sa ilalim naman ng Circular No. 902-82 ng BSP na ang lending o financing companies at mga umuutang dito ay malayang magkasundo sa kung anumang terms at conditions para sa isang loan contract.