Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) kaugnay sa investment scam na CUBEBIT 2.0, CUBEBIT, at CUBEBIT PHILIPPINES (CUBEBIT 2.0).
Ayon sa SEC, pinamumunuan ang kompaniya ng chief operating officer at founder na si Konstantin Janke, kasama ang kanilang dating CEO na si Paul Schwartz.
Dawit din umano sa iligal na aktibidad ang kanilang global ambassador na si Romel Gumiran; chief global advisor na si Dave Baguyo at ang kanilang founding members na sina Sherman Sager, Allan Tad-y, Joe Bedore at Jojo Tan.
Giit ng ahensya, hindi rehistrado sa kanilang tanggapan at walang lisensya ang CUBEBIT, pero nangangalap ng investment mula sa publiko.
Maging sa funding portal ay hindi rin ito nakatala, alinsunod sa SEC Memorandum Circular No. 14, Series of 2019 o ang Rules and Regulations Governing Crowdfunding.
Propaganda ng mga nagpapalakad ng CUBEBIT 2.0, na ang kanilang kompaniya diumano ay makakapagbigay ng pinakamagandang kita at pinaka secured na platform upang palaguin ang mga digital assets at passive income online sa pamamagitan ng malawak na paraan na kinabibilangan ng CUBE SHOP, CUBE ACADEMY, CPAY, I-PLAY, ADCUBE.
Sa kabila ng mga ito, hindi naman umano natutupad ng mga opisyal nito ang kanilang pangako sa mga investor.










