Nagpulong sa Pentagon sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at US Secretary of Defense Lloyd Austin III para pag-usapan ang pagpapalawig ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kapwa tiniyak ng dalawang opisyal ang pangmatagalang katangian ng alyansa ng dalawang bansa, at ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at stability sa bahagi ng West Philippine Sea o South China Sea.
Tiniyak pa ni Austin ang “iron clad commitment” ng Estados Unidos sa seguridad ng bansa sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT).
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang dalawang opisyal sa malapit na pagtutulungan sa ilang “bilateral defense initiatives” na nagpalakas sa alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
“And that just underscores our shared commitment to this alliance, and that commitment is ironclad. All these efforts underscore our promise to ensure that our alliance stands ready to tackle future challenges,” pahayag ni Sec. Austin.
Napag-usapan din ng dalawang kalihim ang kahalagahan ng sabayang pagkilos sa pagkondena sa “Russian aggression” sa Ukraine, at pakikiisa sa naturang bansa.
Sinabi ni Lorenzana, ang kanyang pakikipagkita kay Sec. Austin ay maituturing na kanyang “farewell call” sa kanyang napipintong pagbaba sa pwesto pagkatapos ng termino ng Pangulong Duterte.