-- Advertisements --

DAVAO CITY – Muling nagpaalala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa Davao laban sa mga nagpapakalat ng impormasyon na bumalik na ang operasyon ng investment scheme na Kabus Padatuon (KAPA).

Una nang inihayag ng SEC na walang katotohanan ang kumalat na impormasyon na inaasikaso na ng KAPA ang mga dokumento para makabalik na umano sila sa kanilang operasyon.

Hindi rin totoo na pinayagan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ipagpatuloy ang kanilang operasyon na sinasabing isang klase ng panloloko.

Pinaninindigan ng SEC na isang “Ponzi” scheme ang KAPA at kasinungalingan na yayaman ang mga mahihirap kung magbibigay sila ng donasyon.

Gayunman, hindi rin maipapangako ng SEC na maibalik sa mga investors ang kanilang mga pera sa gitna ng pananatili ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council at Court of Appeals, laban sa mga bank accounts at iba pang assets ng KAPA.