-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang search and retrieval opertion sa isang mangingisda na tatlong araw nang nawawala sa karagatang sakop ng Sitio Calibayan, Barangay Dalupaon, Pasacao, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Emmanuel Bongalon, residente ng nasabing bayan.

Agosto 12 nang pumalaot si Bongalon kasama ang anak nito ngunit aksidenteng napuluputan ng lubid ng fish net ang kanyang paa kayanahulog sa tubig at lumubog ilalim ng dagat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Petty Officer 1 Efren Abanilla, Commander ng Coast Guard Sub-Station Pasacao, sinabi nito na katuwang ng kanilang sub-station ang mga tauhan ng PNP Maritime Group, LGU-Pasacao maging ang iba pang mga volunteers.

Ngunit ayon kay Abanilla, pahirapan ang ginagawang operasyon dahil malalim ang kinahulugan na lugar ni Bongalon na tinatayang nasa 900-feet at sinasabayan pa ng malakas na agos ng tubig sa ilalim.

Sa ngayon, hindi umano titigil ang PCG-CamSur sa paghahanap sa bangkay ni Bongalon hanggang sa matagpuan na ito.