-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na mayroong sundalo na kabilang sa frontline na nagmamando ng mga quarantine stations ang nilagnat at mahigpit na minomonitor ang kondisyon.

Sa ngayon “person under monitoring” (PUM) pa lamang ang nasabing sundalo.

Ayon kay Gapay, para maproteksyunan ang mga sundalong nasa frontline ay ideneploy na rin ng Philippine Army ang kanilang seaborne forces na well trained sa nuclear biological chemical warfare para labanan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID 19).

Bihasa aniya ang mga seaborne forces para magsagawa ng decontamination at disinfection.

Dagdag pa ng Army chief, sa ngayon ay nakadeplopy ang mga ito para alalayan ang mga sundalong nagbabantay sa mga checkpoint na nasa mga border.

Tiniyak ni Gapay na nagpapahinga rin naman ang mga ideneploy na sundalo kaya may rotation silang ipinatutupad.

Bago bumalik sa kani-kanilang quarters ang mga nasa frontline ay isinailalim sila sa decontamination at disinfection para matiyak na walang mahahawa ng COVID 19.

Aniya, may ginawa silang barracks para roon manatili ang mga sundalong nagmamando ng mga checkpoint at doon na rin imomonitor ng kanilang medical teams.

Hindi muna pinauuwi sa kanilang mga bahay ang mga ito.

Samantala, nakahanda na rin sa ngayon ang Army gymnasium sa Fort Bonifacio sa Taguig City para sa 14 days quarantine ng mga sundalong magiging PUM.

Pakiusap pa rin ni Gapay sa publiko na manatili sa bahay para mapigil ang pagkahawa-hawa sa virus.