Nagbigay pugay ngayon ang Southeast Asian Games Federation kay dating sprint queen Lydia de Vega sa ginanap na pagpupulong ng National Olympic Committee sa Thailand Building sa Bangkok.
Iniulat ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, bago magsimula ang meeting, ipinalabas muna ng federation ang video tribute para kay De Vega.
Si Tolentino ay nasa Thailand ngayon para plantsahin ang SEA Games hosting na gagawin sa Cambodia sa unang pagkakataon.
Si Lydia de Vega ay naging bahagi na ng kasaysayan ng Southeast Asian Games kung saan sa kabuuan ng kanyang career ay nakatipon siya ng siyam na gold medals.
Ang kanyang personal best record na 11.28 seconds sa 100 meter dash ay inabot din ng matagal na panahon o 33 taon bago binasag ni Fil-Am athlete Kristina Knott noong taong 2020.
Huling naging bahagi ng Southeast Asian Games ang dating Asia’s fastest woman noong taong 2019 sa opening ng SEA Games dito sa Pilipinas.
Samantala, bukas ng umaga ang libing kay De Vega sa kanyang bayan doon sa Meycauayan, Bulacan.