Matagumpay na sinimulan ng Scotland national football team ang kanilang kampanya sa 2026 FIFA World Cup matapos talunin ang Haiti national football team sa iskor na 1-0, sa Group C match na ginanap sa Gillette Stadium sa Massachusetts.
Naitala ni John McGinn ang nag-iisang goal ng laban sa ika-28 minuto matapos ma deflect ang tira nito na tumungo sa ibang direksyon na naging tulong para makuha nila ang unang iskor.
Ito ang kauna-unahang panalo ng Scotland sa World Cup mula pa noong 1990 nang talunin nito ang Sweden sa torneo sa Italy. Ito rin ang unang tagumpay ng bansa sa anumang major international tournament mula noong Euro 1996.
Dinumog naman ng libu-libong Scottish supporters ang 64,000-seat na stadium upang saksihan ang unang World Cup appearance ng kanilang koponan sa loob ng 28 taon.
Bagama’t nakontrol ng Scotland ang malaking bahagi ng unang yugto ng laro, hindi naging madali ang kanilang panalo. Ilang beses ding nagbanta ang Haiti, lalo na sa huling bahagi ng laban.
Muntik nang makaiskor si Frantzdy Pierrot ng Hiati sa ika-85 minuto ngunit bahagyang lumihis ang kanyang header at hindi naabot ang target.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang Scotland na madagdagan ang kanilang kalamangan nang tumama sa goal bar ang malakas na tira ni Scott McTominay sa unang kalahati ng laro.
Dahil sa panalo, nanguna ang Scotland sa Group C at lumakas ang tsansa nitong makausad sa knockout stage ng World Cup—isang bagay na hindi pa nito nagagawa sa kasaysayan ng torneo.
Susunod na haharapin ng Scotland ang Morocco national football team bago ang inaabangang laban nito kontra sa Brazil national football team.
Samantala, makakaharap naman ng Haiti ang Brazil sa susunod na laro habang naghahanap ng unang puntos sa torneo.
















