BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo sa pagpaslang sa isang school principal sa Guihulngan City, Negros Oriental kagabi.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, ang biktima ay kinilalang si Basiledez Vergara Ledon, 59-anyos, residente ng Larena Street, Brgy. Poblacion, Guihulngan City at principal ng Luz Elementary School.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Guihulngan City Police Station, ang biktima ay nag-iinuman kasama ang kanyang mga kaibigan sa labas ng isang sari-sari store nang nilapitan ng mga suspek at pinagbabaril ng ilang beses, dakong alas-7:00 ng gabi.

Dinala pa ito sa Guihulngan District Hospital ngunit idineklarang patay.

Ito na ang pangatlong shooting incident na naitala sa Guihulngan City sa loob ng isang linggo.