Pinagkokomento ngayon ng Supreme Court (SC) ang ABS-CBN kaugnay ng inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) na urgent motion to issue gag order para pigilan ang sino mang partido o personalidad mula sa ABS-CBN na maglabas ng kanilang statement o talakayin ang ng quo warranto petition kaugnay ng franchise case ng TV network.
Ayon kay SC Spokesman Brian Hosaka, matapos ihain kanina ang hirit ni Calida ay agad itong isinalang sa en banc session.
Aniya, binigyan ng SC ang ABS-CBN ng limang araw na palugit para magkomento sa urgent motion sa oras na natanggap na nila ang notice.
Nag-ugat ang very urgent motion ni Calida sa isang video na may title na ‘Quo warranto petition laban sa ABS-CBN, ano ang ibig sabihin?’ na inilabas noong Pebrero 14.
Sinabi ni Calida na ang naturang video ay direktang tumatalakay sa mga alegasyon kontra sa quo warranto petition.
Ang mga statements sa video na mula sa reporter ng network na si Christian Esguerra ay sigurado umanong makakaimpluwensiya sa public opinion at magkakaroon ng pre-judgment sa kaso.
Binanggit din ng OSG ang serye ng commentaries na naka-post sa ABS-CBN online na posible ring makaimpluwensiya sa Supreme Court (SC).
Isinama rin ng OSG ang posts ng ABS-CBN artists at iba pang personalidad dahil daw sa pagbibiay ng kanilang “unsolicited opinions” sa quo warranto petition.