Ipinaliwanag ng Supreme Court (SC) na may karapatan pa ring makapag-avail ng mga benepisyo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang mga convicted sa mga heinous crimes.
Kasabay nito ang pagdedeklara bilang invalid sa implementing rules and regulation ng Department of Justice (DOJ) para sa inamyendahang GCTA law noong 2019.
Ayon sa kataas-taasang hukuman, naging malabis ang DOJ sa paggamit ng kapangyarihan nito sa “subordinate legislation” nang hindi ikonsiderang kwalipikado sa mga benepisyo ng Republic Act (RA) No. 10592 o New GCTA law ang mga convicted sa mga karumaldumal na krimen at mga tumakas sa kulungan.
Pinuna ng SC En Banc ang ginawang pagpapalawig ng DOJ sa saklaw ng rules dahil malinaw naman sa ilalim ng batas na pinapayagang makapag-ipon ng GCTA credits ang mga may mabibigat na kaso.
Iginiit din ng korte na sa ilalim ng batas, may karapatan sa GCTA ang sinumang convicted prisoner basta’t siya ay nakapiit sa penal institution, rehabilitation o detention center, o sa kahit anong local jail facility.
Magugunitang naging kontrobersyal noong 2019 ang GCTA matapos makalaya ang halos 2,000 convicted sa heinous crimes matapos i-recompute ang kanilang GCTA credits.