-- Advertisements --

Naglabas na ng writ of kalikasan ang Korte Suprema laban sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), at isang mining firm hinggil sa mining operations sa Sibuyan Island.

Sa isang resolusyon, iniutos ng mataas na hukuman na ang DENR, MGB, at Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na maghain ng kanilang komento sa loob ng 10 araw pagkatapos ng service of writs.

Samantala, tinanggihan ng korte ang kahilingan ng mga petitioner para sa pansamantalang utos sa pangangalaga sa kapaligiran na kung saan inirefer din nito ang kaso sa Court of Appeals.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang writ of a kalikasan ay isang special civil action na ginawa upang hikayatin ang mga indibidwal na ayusin ang kapaligiran.

Noong Pebrero, iniutos ng DENR ang pansamantalang pagpapahinto sa operasyon ng Altai Philippines Mining Corporation matapos umano itong lumabag sa implementing rules and regulations ng Water Code of the Philippines.

Una nang inakusahan ng DENR na walang foreshore lease agreement ang nasabing korporasyon para sa isang pier, gumawa ng causeway nang hindi nakakuha ng Environmental Compliance Certificate, at nagputol umano ng mga puno nang walang permit.