Ipinag-utos ng Korte Suprema sa mga respondent kabilang ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising at Regulatory Board (LTFRB) na magkomento sa supplemental petition na inihain ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) gayundin ang apela nito para sa temporary restraining order ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sinabi ni SC Spokesperson Camille Sue Mae Ting na binigyan ang mga respondent ng 10 araw na non-extendible period para magsumite ng kanilang mga komento.
Hiniling din ng korte suprema ang status update sa kasalukuyang progreso sa pag-consolidate ng prangkisa ng mga PUV sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga rehiyon sa bansa sa per-route basis.
Hiningi din ng kataas-taasang hukuman ang status update sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP) sa bawat lokalidad at Route Rationalization Plan, at hining din sa respondents ang status ng mga pagdinig sa House of Representatives kaugnay sa isyu.
Nilinaw naman ng SC official na ang hindi paglalabas ng restraining order ng korte ay hindi nangangahulugan na ito ay ibinasura.