Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon laban kay Senador Francis Escudero na humihiling na ipawalang-bisa ang ruling ng Political Finance and Affairs Department ng Commission on Elections kaugnay ng campaign donation na natanggap ng senador noong 2022 elections.
Ayon sa resolusyon ng Korte Suprema na may petsang Hunyo 3, 2026, ibinasura ang petisyon ng pribadong indibidwal na si John Barry Tayam dahil mali ang legal na remedyo na kanyang inihain.
Nag-ugat ang kaso sa naging desisyon ng PFAD na itigil ang imbestigasyon laban kay Escudero at kay Lawrene Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Incorporated, dahil sa kakulangan ng ebidensiya sa umano’y paglabag sa Section 95 ng Omnibus Election Code.
Nauna nang inamin ni Escudero na tumanggap siya ng P30 milyong pisong donasyon mula kay Lubiano, ngunit nilinaw niyang wala siyang naging papel sa pagkuha ng kumpanya ng mga flood control project ng pamahalaan.
Ayon sa PFAD, hiwalay ang legal na personalidad ni Lubiano sa Centerways at walang ebidensiyang nagmula sa pondo ng kumpanya ang naging donasyon.
Iginiit naman ni Tayam na para sa kanya, hindi maaaring paghiwalayin si Lubiano at ang Centerways. Aniya, hindi maaaring sabihing personal na kapasidad lamang ang naging donasyon dahil matagal nang kontratista ng pamahalaan si Lubiano, at ang usapin ay nangangailangan ng paglilinaw ng Korte Suprema.
















