-- Advertisements --

Nanawagan si ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa Korte Suprema na silipin ang aniya’y “factory” ng mga search warrants na ipinatupad sa mga police operations kahapon na nagresulta sa pagkamatay ng maraming mga aktibista sa Calabarzon.

Kasabay nito ay mariing kinondena ni Castro ang aniya’y “Tokhang-style” operation, at iginiit na gumagamit ang Duterte administration ng mga search warrants para umano’y taniman ng baril ang mga lider at miyembro ng mga progresibong grupo.

Sinabi ni Castro na dapat silipin ng Supreme Court ang patakaran na pumapayag sa mga executive judges ng Quezon City at Manila na maglabas ng search warrants na valid nationwide.

Lumalabas kasi aniya ay kasabwat din ang ilang mga judges sa mga nangyayaring human rights violations sa pamamgitan ng inilabas ng mga ito na search warrants na paglabag naman sa Rules of Court.

Siyam katao ang patay at anim na iba pa ang inaresto sa simultaneous police at military operations na isinagawa sa probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal kahapon.

Ayon sa Calabarzon police, nakakuha ang mga operatiba ng mga pampasabog at ilang baril umano mula sa mga target.