Hindi pa nagbigay ng tiyak na kasagutan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung kukunin nila si Chot Reyes na maging coach ng Gilas Pilipinas sa papalapit na FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sinabi ni SBP Executive director at spokesman Sonny Barrios na patuloy pa rin ang nagaganap na semifinals ng PBA Phlippine Cup kung saan coach din si Reyes sa TNT Tropang Giga.
Dagdag pa nito na isinangguni na nito kay team manager Butch Antonio ang nasabing posibilidad kung saan sinabi niya na maari magdalawa ito ng coaching.
Magugunitang hindi nag-coach si Reyes sa third window ng qualifiers noong Hunyo at ipinalit dito ay si Nenad Vučinić.
Magpupulong pa ang SBP sa mga susunod na araw at pag-uusapan ang fourth window kung saan makakaharap ng Gilas ang Lebanon sa Agosto 25 sa Beirut at ang Saudi Arabia sa Agosto 29 na gaganapin sa MOA Arena.