-- Advertisements --
download (3)

Nagbabala ang pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa mga port user na patuloy na gumagawa ng mga iligal na transaksyon sa kanilang operasyon.

Babala ni SBMA Chairman at Administrator Jonathan Tan, hindi ito mag-aatubiling i-ban o pagbawalan silang gumawa ng transaksyon sa loob ng freeport.

Inihalimbawa ng opisyal ang aniya’y ginagawa ng mga nasa trucking industry o truck trading na hindi nagdedeklara ng tamang bigat ng kanilang mga kargamento.

Ang naturang sistema aniya ay ginagawa ng mga truckers upang mapababa ang binabayaran nilang duties at mga taxes.

Kasama rin dito ang aniya’y pandaraya sa mga year model ng mga truck na kanilang ginagamit, at ang panunuhol para lamang mapabilis ang shipping process.

Kailangan aniyang matigil ang ganitong sistema upang hindi masira ang industriya ng trucking sa bansa at maiwasan ang lamangan sa pagitan ng mga negosyante.

Babala ng Subic freeport chief, kung hindi tatalima sa ligal na pagnenegosyo ang mga truckers ay mapipilitan ang management na bawiin o kanselahin ang kanilang business permit.

Samantala, kasabay ng pagnanais ng SBMA na matutukan ang trucking industry, sinabi ni Tan na unang bumili ang freeport management ng mga de-kalibreng weighing scale upang matukoy ang aktwal na bigat ng mga sasakyan at mga container para maiwasan an pandaraya.