ILOILO CITY – Humingi ng paumanhin ang isang Sangguniang Bayan Member ng San Dioniso, Iloilo dahil umano sa paglabag sa quarantine protocol matapos sunduin ang isang construction worker na kalaunan ay nakitaan ng flu-like symptoms.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay SB Member Jeff Albania, sinabi nito na humingi ng tulong ang pamilya na makauwi sa San Dioniso ang nasabing construction worker galing sa lungsod ng Iloilo.
Inihayag ni Albania na pagkatapos niyang sunduin ang construction worker, kaagad siyang umuwi sa kanilang bahay, naligo, dumalo sa session at pagkatapos ay kaagad siyang tumungo sa isang mall upang bumili ng grocery items.
Maya’t-maya ayon kay Albania, ipinaalam sa kanya na nakitaan ng flu-like symptoms ang construction worker at dahil dito, kaagad niyang pinayuhan ang mga kasamahan na sumailalim sa quarantine upang matiyak na hindi sila nadapuan ng virus.
Humihingi ngayon ng paumanhin si Albania ngunit ayon sa SB Member, hangarin lamang niya na matulungan ang nasabing construction worker.