-- Advertisements --

Nakatanggap ng papuri ang Bureau of Customs (BOC) mula sa US Fish and Wildlife Service matapos ang pagkakahuli ng mga opisyal nito sa isang sawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex.

Ayon sa ahensya, itinago ang nasabing ahas sa loob ng rattan basket na natagpuan sa warehouse ng isang courier service sa NAIA Complex.

Natagpuan ang sawa habang nagsasagawa ang Customs Examiner ng physical examination at kaagad itong itinurn-over sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Idineklara rin ito bilang “wood curtains, lanterns, rattan basket.”

Kinilala ang nagpadala nito bilang si Janrei Fernandez mula Sampaloc, Manila at nakatakdang ipadala sa New York City.

Mahigpit na ipinagbabawal sa Estados Unidos ang pag-import ng ganitong uri ng hayop dahil nakalista ito bilang Injurious sa ilalim ng Lacey Act.

Muli namang nagpaalala ang BOC sa publiko na ang impirtation, exportation o trade ng mga wildlife animals na walang permit ay itinuturing na krimen. Ang sinomang mapapatunayang sangkot sa tiwaling gawain ay mapaparusahan sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Posible rin itong makulong ng isa hanggang dalawang taon at pagbabayarin ng P2,000 hanggang P20,000.