Tinanggal na ng Saudi Arabia ang ban na una nitong ipinataw sa mga produktong isda at iba pang marine products ng Pilipinas.
Ipinag-utos ng pamahalaan ng Saudi sa Saudi Food and Drug Authority (SFDA) na tanggalin na ang pagbabawal sa import ban sa mga naturang produkto, maliban lamang sa mga hipon.
Ayon sa Department of Trade and Industry(DTI) Export Management Bureau(EMB), maaari na muling makapag-pasok ang Pilipinas ng mga produktong isda at iba pang marine products sa naturang bansa, bastat matiyak na ang mga ito ay sumusunod sa standard na ipinapataw ng naturang bansa.
Pangungunahan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang setipikasyon ng mga produktong ipapadala sa naturang bansa.
Nananatili namang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga hipon sa naturang bansa na galing dito sa Pilipinas dahil umano sa mga sakit ng mga hipon na unang natukoy dito sa bansa.
Maliban dito, tinanggal na rin ng Saudi ang ban sa mga meat products na galing sa Pilipinas.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas, resulta ito ng naging pakikipag-usap ng pamahalaan sa pamahalaan ng Saudi.
Sa kasalukuyan, maaari nang mag-apply ng accreditation ang mga kumpanya dito sa bansa, na nagnanais magbenta ng karne sa Saudi.