-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pahirapan ngayon ang pagtatrabaho ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia dahil sa ipinatutupad na lockdown kaugnay ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mary Hazel Dean Gamuzaran, OFW sa Jeddah sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, halos wala nang mapagkunan ng magagastos ang mga OFW dahil isinara ang maraming establisyemento.

Mahigpit rin ang direktiba na manatili sa loob ng bahay dahil ang paglabag ay mangangahulugan ng multang mula sa 10, 000 Saudi Riyal o higit P130,000.

Apektado na rin maging ang pagpapadala ng remittances sa mga kamag-anak sa Pilipinas.

Suwerte namang itinuturing ni Gamuzaran na kanselado pa ang lahat ng biyahe dahil maari ring mapalawig pa ang kaniyang trabaho bilang domestic helper na magtatapos sana ang kontrata sa buwan ng Mayo.

Sa ngayon, nasa mahigit 6,000 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Saudi habang higit 70 na ang nasawi sa sakit.