Hinatulan ng kamatayan ang isang kritiko ng Saudi Arabia government na tumutuligsa sa umano’y katiwalian at pang-aabuso sa karapatang pantao sa online posts nito. Sinabi ito ng kapatid ng kritiko at iba pang pamilyar sa kaso sa AFP.
Hinatulan si Mohammed al-Ghamdi noong Hulyo ng Specialized Criminal Court, na itinatag noong 2008 upang litisin ang mga kaso ng terorismo.
Ang charges ay kinabibilangan daw ng conspirasy laban sa pamunuan ng Saudi, undermining state institutions at pagsuporta sa ideolohiyang terorista.
Samantala, wala pa ring tugon ang Saudi officials hinggil dito.
Sinabi naman ng Human rights activists na ang kaso ay matinding pagsugpo sa kritisismo kahit pa sa pamamagitan ng mga account na kakaunti lang ang followers.
Ang account ni Mohammed al-Ghamdi ay mayroon lamang nine followers ayon sa Gulf Centre for Human Rights.
Matatandaan na ang Saudi Arabia ay madalas na binabatikos dahil sa malawakang paggamit nito ng death penalty, na nagbitay sa 147 katao noong nakaraang taon, ayon sa AFP tally.