-- Advertisements --

Inakusahan ng Saudi-led coalition ang grupong Houthi mula sa Yemen matapos umanong magpakawala ng drone patungo sa banal na lungsod ng Mecca.

Mabilis namang itinanggi at tinawag na kasinungalingan ng grupong Houthi ang naturang pahayag ng Saudi Arabia.

Nangako naman ng matinding ganti ang koalisyon at iginiit na ang kaligtasan ng mga banal na lugar at ng mga deboto ay isang “red line” na hindi pwedeng lampasan.

Mariin ding kinondena ng Organization of Islamic Cooperation ang nasabing insidente na kinabibilangan ng 57 bansa.

Samantala, nagdulot ng malaking pangamba sa buong mundo ang patuloy na hidwaan dahil sa pagkontrol ng Houthi sa Bab al-Mandab Strait na krusyal na daanan ng langis.

Dahil sa matinding sagupaan at krisis, umabot na sa humigit-kumulang 82,000 katao ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan sa Yemen ayon sa ulat ng United Nations.