KORONADAL CITY – Tiniyak ng Philippine Army ang patuloy na operasyon laban sa mga lawless elements at terror groups na naghahasik ng lagim lalo na sa Maguindanao.
Ayon kay 601st Infantry Brigade commander Col. Jose Narciso, patuloy ang kanilang pursuit at surgical operations upang tugisin ang mga armado at teroristang grupo.
Ito’y matapos narekober ang ilang matataas na kalibre ng armas at improvised explosive device (IED) sa magkakahiwalay na sagupaan ng mga sundalo at Daesh-inspired terrorist group sa Maguindanao.
Natagpuan din ng mga kasapi ng 57th Infantry Batallion ang dalawang IED sa bahagi ng Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan.
Samantala, narekober ng mga miyembro ng 1st Mechanized Infantry Battalion ang dalawang improvised rifles, ilang sako ng bigas, mga bala at IED sa bahagi ng Barangay Tuayan, Datu, Hoffer.
Tiniyak naman ni Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na magpapatuloy ang kanilang mga opensiba laban sa naturang mga grupo upang matiyak ang kapayapaan sa Mindanao.