-- Advertisements --

Nakatakdang dagdagan ng Department of Agriculture (DA) ang supply ng karneng baboy sa Luzon.

Ayon kay DA ASec. Kristine Evangelista, mag-aangkat ng karneng baboy mula sa Visayas at Mindanao para masolusyunan ang pagtaas ng presyo sa mga palengke at iba pang pamilihan sa Metro Manil at ibang bahagi ng Luzon.

Nagkakaroon aniya nang paggalaw sa presyo dahil sa tinatawag na law of supply.

Sinabi ni Evangelista na nakikipag-ugnayan sila sa National Meat Inspection Service para silipin ang inventory status ng mga baboy at frozen meat upang sa gayon ay malaman din kung sapat pa nga ba ang supply para sa Luzon.

Ito rin ang magsisilbing guide aniya sa kanila para malaman kiung tama ang price point ng mga traders na ipinapasa naman sa mga tindera.

Binigyan diin ng opisyal na malaki ang epekto ng African swine fever, pati na rin ng COVID-19 pandemic, sa livestock industry na siyang naka-ambag din sa nararanasang mababang supply.

May ilang mga livestock raisers kasi aniya ang tumigil noong tinamaan ng pandemya ang Pilipinas, lalo na noong panahon ng enhanced community quarantine.