Naniniwala si Justice Sec. Menardo Guevarra na kung hindi erroneous ay maanomalya rin ang pagpapalabas sa mga suspek na sangkot sa Chiong sisters rape-slay case.
Dahil dito, sinabi ni Guevarra na kailangang bumalik sa kulungan ang mga convict para pagsilbihan ang kanilang natitirang sintensiya.
Base kasi sa nabalangkas na implementing rules and regulations (IRR) ng good conduct time allowance (GCTA) Law, hindi kasali sa mga makikinabang sa naturang batas ang mga nakagawa ng heinous crimes o karumal-dumal na krimen kabilang na rito ang pagpatay at panghahalay.
At ayon kay Guevarra, guilty ang mga suspek sa heinous crimes kayat hindi sila dapat nabigyan ng benepisyo ng expanded GCTA Law.
“These people were found guilty of a heinous crime. so they’re not supposed to benefit from the expanded GCTA law. their early release was thus erroneous, if not anomalous. they should thus be recommitted to prison to serve their remaining sentence,” wika ni Guevarra.
Una rito kinumpirma ni Guevarra na pati ang mga hinatulan sa kontrobersyal na 1997 Chiong sisters case ay posibleng nakinabang sa naturang batas.
Kasama sa mga sinasabing sangkot sa pagdukot at pag-rape sa magkapatid na sina Marijoy at Jacqueline Chiong sa Cebu ay si Paco Larrañaga na sinasabing mastermind sa krimen.
Una na ring sumuko sina Ariel Balansag, Alberto Caño, James Anthony Uy at Josman Aznar.