BOMBO DAGUPAN- Nakitaan ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ng paglabag ang ginagawang proyekto na seawall sa Lingayen Gulf matapos ang isinagawang joint committee hearing.
Ayon kay Governor Ramon ‘Monmon’ Guico III, wala umanong Environmental Clearance Certificate (ECC) at walang masterplan ang itinatayong seawall sa naturang lugar mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Binigyang diin nito na ang pondong gagamitin sa ipinapatayong proyekto ay nakalaan sana sa Trip Project- tourist Road investment project at hindi sa seawall proyekto.
Kaugnay nito, nilinaw muli ng gobernador sa harap ng naturang committee hearing ang Proclamation No.156 series of 1993 na pinirmahan ni dating pangulong Fidel V. Ramos mula sa probinsya, kung saan binibigyang diin nito na kinakailangang i-preserve ang genetic diversity, protektahan ang natural features at panatilihin ang natural outdoor recreation sa Lingayen Gulf.
Binigyang diin din ng gobernador na suportado niya ang anumang hakbang at mga programang isasagawa kung ito ay pakikinabangan ng lahat ng mamamayan ng Probinsya.
Ang naturang seawall na ipinapatayo ng Department of Public Works and Highways Region 1 sa lugar ay pinondohan ng gobyerno ng P75 milyon.
Mensahe naman ng gobernador sa naturang ahensya, na dumaan sana ito sa tamang proseso, kumuha muna ng Environmental Clearance Certificate sa Department of Environment and Natural Resources at mag-sumite ng masterplan hinggil sa isinasagawang proyekto.