-- Advertisements --

Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ng prosekusyon na magpresenta ng bagong testigo kaugnay sa ill-gotten wealth case laban sa mga personalidad na iniuugnay sa dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating first lady Imelda Marcos dahil sa kawalan ng merito.

Sa 7 pahinang resolution ng anti-graft court sa Civil Case 0178 sangkot ang Eastern Telecommunicatiins Philippines,Inc shares, sinabi nito na ang apela ng prosekusyon na magpresenta ng bagong testigo ay nagpapakita ng lack of competence para ipagpatuloy ang kaso.

Nakasaad sa naturang civil case na ang shares ng mag-asawang Marcos sa Eastern Telecommunicatiins Philippines,Inc ay nakarehistro sa 20 indibidwal.

Una rito, ang government prosecutors na kinakatawan ng Office of the Solicitor General at Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay nais na palitan ang 9 na testigo ng isang hindi pinapangalanang opisyal ng Sandiganbayan Third Division dahil sa ilang sirkumstansiya.

Kabilang dito ang testigo na sina Manuel Nieto Jr at Rolando Gapud na pumanaw na, walang impormasyon kaugnay sa kasalukuyang address nina Severino Buan Jr, Maurice Bane at Potenciano Roque sa kabila pa ng assistance mula sa ibang mga ahensiya ng gobyerno.

Gayundin, nakakuha ng impormasyon ang PCGG sa kasalukuyang tirahan ng mga testigo na sina Evelyn Singson at Apolinario Medina ngunit tinanggihan ang PCGG investigating team na pumasok sa subdivision kung saan nakatira si Evelyn Singson habang lumilitaw na hindi nakatira si Medina sa kanyang address, tumanggi din ang saksi na si Caesar Parlade na maging testigo sa instant case dahil tumestigo na siya sa Civil Case 0009, na kasalukuyang nasa ibang bansa at hindi sigurado sa petsa ng kaniyang pagbabalik.

Kayat ayon sa Sandiganabayan hindi sapat ang mga sirkumstansiyang ito o justifications para suportahan ang mosyon ng nagsasakdal.