-- Advertisements --

Umaasa si ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap na walang pagtatakip na mangyayari sa imbestigasyong isinasagawa hinggil sa mga ninja cops o iyong mga tiwaling pulis na sangkot sa pag-recycle ng mga nasabat na iligal na droga.

Iginiit ni Yap na nakakabahala ang mga natuklasan sa pagdinig ng Senado sapagkat sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na internal cleansing sa pulisya, at maging ang malawakang kampanya laban sa droga, mismong mga pulis pa pala ang unang sumusuway dito.

“Hahayaan natin gumulong ang imbestigasyon hanggang maglabas ng report ang Senate Blue Ribbon Committee ukol dito ngunit sa nadidinig natin, mukhang isang malaking cover up ang nangyayari,” ani Yap.

Ayon kay Yap, dapat na may masibak at maparusahan dito dahil napabayaan ang ganitong uri ng katiwalian sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at walang ibang dapat na magpaliwanag dito kundi mismong si PNP Chief General Oscar Albayalde.

Kay Albayalde aniya ang “burden” o bigat lalo pa’t mga dati niyang tauhan ang mga pulis na pinangalanang ninja cops.

Mainam din aniya na magpaliwanag at linisin ni Albayalde ang kanyang pangalan matapos na lumabas sa imbestigasyon ng Senado na pinigilan nito ang dismissal ng mga ninja cops.