NAGA CITY – Umaasa si Vice President (VP) Leni Robredo na natapos na sa pagbasura ng sedition case ang mga nangyayaring pangigipit sa oposisyon.
Sa pagharap ni Robredo sa mga kagawad ng media sa Camarines Sur, sinabi nitong inaasahan na niyang mababasura talaga ang naturang kaso sa kanya at sa iba pa dahil pawang kasinungalingan lamang ang inilabas ng witness.
Ayon kay Robredo, natutuwa siya sa naging desisyon ng Department of Justice na pakinggan ang inihain nilang complaint at mga ebidensya.
Nanindigan naman ang opisyal na ang pagsasampa ng kaso ay bahagi lamang ng pangigipit sa oposisyon.
Kung maaalala aniya, inakusahan siyang kasama sa ginawang pagtitipon sa isang unibersidad kung saan napag-usapan kung paano mapapatalsik ang pangulo.
Sinampahan ng kasong sedition ng Criminal Investigation and Detection Group si Robredo dahil sa umano’y pakikipagsabwatan kay Peter Joemel Advincula alyas Bikoy para sa paggawa ng video na “Ang Totoong Narcolist” kung saan idinadawit ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.