-- Advertisements --

Sinimulan na rin ng San Juan City government ang paggamit ng single dose Johnson & Johnson COVID-19 vaccine na Janssen sa kanilang mga residente sa gitna ng banta ng Delta variant ng coronavirus.

Inilunsad ito sa FilOil Flying V Centre, na siyang primary vaccination hub sa lungsod, at pinangunahan ni Mayor Francis Zamora at iba pang mga opisyal at empleyado ng city government.

Sa pagdating ng mga single-shot vaccines na ito, mas malapit na aniyang makamit ng kanilang lungsod na mabakunahan ang 70 percent ng kanilang populasyon gamit din ang two-doses vaccines na ito sa katapusan ng Agosto.

Binuksan na rin kasi nila ang ikatlo nilang vaccination site sa VMall Greenhills Shopping Center.

Ayon kay Zamora, aabot sa 2,800 doses ng Janssen COVID-19 vaccines ang natanggap ng kanilang lungsod mula sa 1.6 million doses na bigay ng US government sa pamamagitan ng COVAX facility.

Nasa 600 indibidwal mula sa A2 category o mga senior citizens at A3 category o mga mayroong comorbidities ang makakatanggap ng naturang single-dose vaccine.

Hanggang kahapon, Hulyo 20, 108,001 katao na sa San Juan ang nakatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccines o katumbas ng 125.40 percent ng kanilang target population.