-- Advertisements --

Pormal nang ipinagharap ng reklamong serious dishonesty sa Office of the Ombudsman ang mag-amang Richard Maurice Robes, konsehal ng Bulacan at anak nitong barangay kagawad na si Richard Maurice III.

Sa kanyang reklamo na inihain sa Ombudsman ipinunto ng complainant na si Jason Cruz, residente ng San Jose Del Monte (SJDM) na malinaw na nilabag ng mag-amang Robes ang Section 3 ng Civil Service Resolution (CSC) No.06-0538 na nagsasaad na sino mang opisyal o empleyado ng gobyerno ay pinagbabawalang mameke ng dokumento lalo pa kung ito ay may kinalaman sa pampublikong interes.

Ang paglabag sa nasabing panuntunan ay maikukunsiderang serious dishonesty.

Nag-ugat ang reklamo laban sa mag-amang Robes makaraang magpanggap si Richard Maurice III na siya ay si SJDM City Councilor Richard Maurice salig na rin sa utos ng kanyang ama.

Pakay daw ng naturang pagpapanggap ay para makakuha ng certificate ang nakatatandang Robes mula sa Center for Local and Regional Governance (CLRG) sa ilalim ng University of the Philippines (UP) Diliman National College of Public Administration and Governance.

Una nang ikinadismaya ng CLRG nang mapag-alaman nilang ang ipinadala ni Councilor Robes ay ang kanyang konsehal na anak sa seminar na may pamagat na Introduction to Excellence in Local Legislation (iExcelL) na ginanap noong Agosto 5 hanggang 9 ngayong taon.

Sinasabing nakipagsabwatan si Kagawad Robes sa mga kapwa nito
attendees na sina Councilors Liezl Aguirre-Abat at Vanessa Michelle Roquero para ipaalam sa CLRG na siya nga si Councilor Robes.

“It is with great regret that our Center decided to withhold their Certificates of Completion given information that we received regarding the identity of the person who attended as Councilor Robes. On the last day of the course, it came to our attention that someone who identified himself as Councilor Robes, but was not Councilor Robes, was attending in his stead,” base sa sulat na nilagdaan ni CLRG Director Erwin Alampay.

Ikinadismaya rin ng grupo na wala man lamang nagsabi kina Robes, Aguirre-Abat at Roquero sa center sa loob ng limang araw na seminar na may humalili kay Konsehal Robes.

Nalulungkot ang grupo sa naturang pangyayari.

Samantala, maging ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ay naniniwalang may pananagutan sa batas ang mag-amang Robes sakaling mapatunayan ang alegasyon laban sa kanila.

Ayon kay PACC Commissioner, Atty. Manuelito Luna, kapag totoo daw ang naturang pangyayari ay kailangan itong imbestigahan.

“If true, then he should be probed by the appropriate disciplining authority or DILG for dishonesty or misconduct,” ani Luna.