Malakas umano ang umiiral na samahan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
Ito ang tiniyak ni US Secretary of Defense Lloyd Austin III nang magkausap sila ng bagong Department of National Defense (DND) officer-in-charge Jose Faustino Jr. sa pamamagitan ng telepono.
Kabilang sa napag-usapan ang mga oportunidad para lalong matulungan daw ang Pilipinas na maging moderno ang Armed Forces of the Phils. at mapalakas pa ang US-Philippines alliance.
Nilinaw din ni Austin na ang US commitment sa Philippine security ay malakas at ang US Mutual Defense Treaty commitments ay magpapatuloy hanggang sa Philippine armed forces, public vessels, at aircraft sa bahagi ng West Philippine Sea.
Nagkasundo rin naman ang dalawang defense chief na ipagpatuloy ang close operational coordination sa rehiyon kung saan ang Pilipinas at China at iba pang mga bansa ay merong sigalot sa territorial claims.
Gayundin ang pagharap sa mga hamon ng alyansa at ang malalim pa na kooperasyon sa Visiting Forces Agreement at sa 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Kasabay nito, nagpasalamat din naman si Sec. Austin sa suporta ng Pilipinas sa mamamayan ng Ukraine.