-- Advertisements --
FFB Dearyn

Iniulat ng Philippine Coast Guard na magsasagawa ito ng salvage at towing operation sa lumubog na Filipino Fishing Boat Dearyn na nabangga ng foreign oil tanker ng malapit sa Bajo de Masinloc shoal at nagmitsa sa buhay ng tatlong Pilipinong mangingisda.

Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, nagdeploy ng dalawang multi-role response vessel ang coast guard para sa naturang towing operations sa nasabing bangka.

Aniya, ito ay ipe-preserve ng coast guard para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang sa insidente ngunit bukod dito ay sinabi rin ni Balilo na hiniling ng pamilya ng may-ari ng lumubog na bangka na makuha itong muli upang kanilang muling magamit.

Kaugnay nito ay inatasan ng PCG Task Force Kaligtasan sa Karagatan ang coast guard aviation force na magsagawa ng aerial surveillance sa lugar, habang ang 44-meter coast guard multi role response vessel naman ang magsesecure at magmomonitor sa kanilang gagawing operasyon.

Samantala, kasabay ng imbestigasyong ikinakasa ng PCG hinggil sa nangyaring trahedya na ikinasawi ng tatlong mga kababayan nating mga mangingisda ay nagpadala na rin ito ng mga tauhan sa Singapore upang makipag-ugnayan sa Singaporean Port State Control upang inspeksyunin ang MV Pacific Anna na pinaniniwalaang nakabangga sa nasabing Filipino Fishing Boat malapit sa Bajo de Masinloc alinsunod na rin sa mga regulations na nasa ilalim ng International Convention for the Safety of Life at Sea, Chapter V o ang Safety of Navigation.

Kaugnay nito ay nagpadala na rin ng formal request letter ang ating coast guard sa Marshal Island Flag State na magsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon hinggil sa nasabing banggaan na alinsunod naman sa umiiral na Casualty Investigation Code ng International Maritime Organization.

Una nang sinabi ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu na pagkatapos ng kanilang isasagawang imbestigasyon ay ipapaubaya na ng Coast Guard sa Department of Foreign Affairs ang pagsasagawa ng ng mga diplomatic mechanism hinggil sa naturang insidente batay na rin sa magiging resulta ng kanilang imbestigasyon.

Kung maaalala, una na nang nilinaw ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na aksidente lamang ang nangyaring banggaan ng dalawang sasakyang pandagat malapit sa Bajo de Masinloc ngunit gayunpaman ay kinakailangan pa ring mapanagot ang mga dapat managot sa nangyaring trahedya.