Suportado ni House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang revival ng Project Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH).

Panahon na aniyang ibalik at gawing “mainstream” ang hazard at risk monitoring program na ito ng Department of Science and Technology matapos ang magkakasunod na pananalasa ng malalakas na bagyo sa bansa kamakailan.

Taong 2017 nang itinigil ang Project NOAH, na gumawa ng mga sistema para sa mapping at forecasting ng mga pagbaha, storm surges, landslides at iba pang kalamidad.

Kalaunan ay hinawakan na ito ng University of the Philippines bilang research center para sa climate actions at disaster risk reduction and management.

Sa ngayon, tinatawag na itong UP NOAH Center at nakapaloob sa ilalim ng UP Resilience Institute.

Noong Martes lang, pinagtibay naman ng House Committee on Disaster Resilience ang House Resolution No. 535 na nagpapatawag ng “whole-of-government, whole-of-society and whole-of-nation policy response” para sa paghahanda at pagtugon sa epekto ng mga kalamidad sa bansa.