-- Advertisements --

Pumalag si Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa puna nina Senators Franklin Drilon at Panfilo Lacson hinggil sa proposed Department of Disaster Resilience (DDR).

Sinabi ni Salceda na pangunahing layunin ng panukalang batas na kanilang isinusulong ay ma-institutionalize ang disaster preparednes at response sa bansa.

“The criticism misses the point. The proposal for a DDR does not merely create an agency. It institutionalizes disaster preparedness, response, and future-proofing as a national responsibility with an institutionalized framework,” ani Salceda.

Ayon kasi kay Drilon, ang pagbuo ng DDR ay tila “knee-jerk reaction” lamang na magpapalala sa burukrasya sa pamahalaan sa halip na i-streamline ito.

Kinuwestiyon naman ni Lacson ang feasibility at funding para sa iminumungkahing bagong kagawaran na ito, sapagkat nasa P1.5 billion ang sinasabing kakailanganin para maitatag ito.

Pero ayon kay Salceda, hindi problema ang pondo para sa pagtatag ng DDR dahil maari itong hanapan ng paraan.

Sinabi ni Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, patuloy siyang naghahanap at gumagawa ng paraan para makalikom ng pondo ang national government sa pamamagitan ng mga reporma sa polisiya sa pagbubuwis.

Samantala, pinabulaanan din ng kongresista ang sinasabi na basta lamang sumulpot ang ideya sa DDR sapagkat produkto aniya ito ng kanyang naging mga karanasan bilang gobernador ng Albay, probinsya na madalas daanan ng mga bagyo.

Gayunman, binigyan diin ni Salceda na ang punto sa pagtatatag ng DDR ay hindi para dagdagan ang burukrasya kundi ayusin nga ang disaster preparedness at response ng pamahalaan.

Mababatid na Setyembre pa nang aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon ng panukala.

Ayon kasi kina Drilon at Lacson, masyadong mahal para bumuo ng panibagong kagawaran lalo pa at posibleng wala namang mapagkukunan ng pondo para rito.