-- Advertisements --

Halos handa na ang reconciled version ng 2020 General Appropriations Bill, ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda.

Inaasahan na aniya ng Senate at House contingent sa bicameral conference committee na malagdaan ang budget bill bukas, Disyembre 10.

Ayon kay Salceda, may mga kaunting detalye na lamang sila na inaayos sa ngayon.

Bukas magkikita aniya ulit ang bicameral conference committee sa 2020 national budget para ayusin ang reconciled version ng budget bill.

“Ready na, nagkasundo na yung House and Senate. Mga konting detalye na lang,” ani Salceda.

Sinabi naman ni Senate finance committee chairman Sonny Angara na 90 hanggang 95 percent ng hindi napagkasunduang probisyon sa magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang naayos na sa ngayon.

“Senator [Panfilo] Lacson’s proposals like placing some limits on administrative costs and having the possibility of greater local projects have also been adopted in some form in the budget general and special provisions,” saad ni Angara.

Samantala, kumpiyansa si Salceda na maisusumite nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang budget bill bago ang kanilang itinakdang deadline na sa Disyembre 21.

Ang pambansang pondo para sa susunod na taon ay aabot sa P4.1 trillion.