Naglatag ng mga rekumendasyon si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa chief executive para matugunan ang tumataas na inflation rate na pumalo na ng 6.9% para sa buwan ng Setyembre.
Sa memorandum na ipinadala ni Salceda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, kaniyang inirekumenda ang paglalabas ng executive at administrative orders para sa food, feed at fuel.
Nagbabala ang mambabatas na ang patuloy na pagtaas sa presyo ay maaaring mauwi sa smuggling kaya’t marapat na magkaroon ng maayos na inter-island transport connection.
Iminumungkahi din ni Salceda na magkaroon ng pagsasa-ayos sa paghahatid ng suplay na kailangan ng mga local farmers gayundin sa kanilang produkto patungo sa pamilihan; pagsusulong ng community edible gardening programs, training para sa food storage at processing ng food surplus at pagbuhay sa vermiculture para sa animal feed.
Pinabababaan rin ni Salceda ang import tariff ng mais na nasa 5% at itaas ang kasalukuyang 150,000MT na inaangkat na refined sugar sa isang auction system.
Sinabi ni Salceda, dapat din bilisan ang pag-apruba sa mga permit ng solar, wind at renewable energy projects, alisin ang foreign ownership restriction sa ilalim ng Renewable Energy Law, magsagawa ng desilting sa mga hydropower dams at taasan ang produksyon ng coal.