Nakatakdang maghain ng panukalang batas si House Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda para tugunan ang illicit tobacco trade sa Pilipinas na tinawag nitong isang seryosong national crisis.
Ibinahagi ni Salceda sa isang multisectoral discussion kung paano labanan ang illicit tobacco trade at kaniyang inihayag na nahaharap ang bansa ngayon problema sa koleksiyon sa cigarette excise tax.
Sinabi ng ekonomistang mambabatas mula sa P173.9-billion revenue na nakolekta nuong 2021, bumaba ang revenue collection nuong 2022 na nasa P160.4 billion na lamang.
Hindi rin nakuha ang 2022 tobacco excise target collection na P191.6 billion.
“The 2022 decline was the largest ever since the 2012 Sin Tax Reform. The only other time revenues declined over the same period was in 2016, when revenues went down from P100.0 billion in 2015 to just P94.5 billion in 2016,” pahayag ni Salceda.
Dagdag pa ng mambabatas, ang mas mataas sa sin tax ay humantong sa mga tao na bawasan ang kanilang pagkonsumo ng sigarilyo, hindi ganoon kataas ang pagbaba ng licit removal, at ang pagkalat ng paninigarilyo ay bahagyang bumaba mula 23.4 porsiyento noong 2019 hanggang 23 porsiyento noong 2020.
Ibinahagi din ni Salceda na sinubukan ng kanyang mga tauhan na mag-access ng mga pekeng sigarilyo sa iba’t ibang mga channel, kabilang ang mga online shopping website, at nakabili sila ng mga hindi nakatatak na sigarilyo na ibinebenta sa mga presyong wala pang kalahati sa mga lawful counterparts.
Dagdag pa ni Salceda na ang high-end cigarettes, gaya ng Chunghwa cigarettes, ay ibinibenta sa Binondo sa halagang P350 per pack at walang tax stamps.
“In other words, in every segment of the market, and in practically every venue for selling, illicit cigarettes are extremely easy to come by. There is no challenge to buying these brands. And they sell at as low as 1/5th the price of licit cigarettes,” ayon kay Salceda.
Sa kabilang dako, inihayag ni Salceda, umaabot sa P60.6 billion ang revenue losses ng Pilipinas ngayong taon dahil sa cigarette smuggling.
Aniya, panahon na para isulong ang tobacco illicit trade bill ng sa gayon matuldukan na ang laganap na cigarette smuggling sa bansa.
Binigyang-diin din ni Salceda na ang mga gastos sa kalusugan ng mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo ay PHP188 bilyon sa taong ito, na nangangatwiran na ang gastos ay maaaring bumaba sa kasingbaba ng PHP150.9 bilyon nang walang ipinagbabawal na kalakalan ng tabako.
Hangga’t hindi nareresolba ang isyu ng ipinagbabawal na kalakalan ng sigarilyo sa isang makabuluhang antas, aniya, magkakaroon ng pag-aalinlangan sa publiko na suportahan ang karagdagang pagtaas ng buwis sa tabako.