Inaasahan ni Albay Rep. Joey Salceda na mas babagal pa ang inflation rate ng bansa ngayong Oktubre.

Ito ay matapos na maitala ang 0.9 percent inflation rate noong Setyembre batay sa tala ng Philippine Statistic Authority (PSA).

Sa tantya ni Salceda, na isang kilalang ekonomista, maaring papalo na lamang ang inflation rate ngayong Oktubre sa 0.8 percent.

Makikita naman kasi aniya sa consumer price index ang benepisyong hatid ng Rice Tariffication Law (RTL), na siyang dahilan nang pagbilis ng inflation noong 2018.

Samantala, hindi naman nakikita ni Salceda na makakaapekto sa inflation ang pag-atake sa dalawang oil firms sa Saudi Arabia noong Setyembre bagama’t nagresulta ito sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Paliwanag ng kongresista, na-offset na rin naman kasi aniya ito nang nag-mura ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakalipas na buwan.

Gayunman, asahan na rin ayon kay Salceda na pagsapit ng Nobyembre at Disyembre ay bahagyang bibilis ang inflation rate sa 1.2 percent hanggang 1.9 percent dahil sa mga pagbabago sa policy rates ng Bangko Sentral ng Pilipinas at sa mataas na paggastos ng gobyerno para makahabol sa mga programang naantala ang implementasyon bunsod ng limang buwang delay sa approval ng 2019 national budget.