Umapela si Albay Representative Joey Salceda sa national government na maghanda na para sa posibleng extended evacuation ng mga residente na nakatira sa labas ng traditional “danger zones.” Ito ay dahil sa banta ng lahar dulot ng bagyo na tatama sa lugar.
Hanggang sa ngayon kasi patuloy ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sinabi ng ekonomistang mambabatas nasa tatlo hanggang apat na bagyo ang posibleng maranasan ngayong buwan ng July batay sa inilabas na projection ng weather state bureau ang PAGASA.
Ayon sa mambabatas ang malakas na pag-ulan ang posibleng maging sanhi ng lahar na maaapektuhan ang mga komunidad.
Kaya ngayon pa lamang, hiling ni Salceda kay Pangulong Ferdinand Marcos na tulungan ang mga taga Albay.
Aniya, ang mga nakatira malapit sa lahar channel ay hindi na kailangan ilikas pero ang mga nasa labas ng 6-7 o 8 kilometer danger zone ang dapat mailikas.
Pinasalamatan naman ni Salceda si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian matapos ipinag-utos nito ang pagdadagdag ng mga food packs para sa Mayon evacuees at bilang paghahanda na rin para sa posibleng dagdag na evacuation o paglilikas.
Sinabi ni Salceda na nakakataba ng puso ang pagiging proactive ng kalihim at ng buong ahensiya sa mga pangangailangan ng mga taga Albay.
Ayon sa ekonomistang mambabatas kapag magpapatuloy ang pag-ulan posibleng tumaas pa ang bilang ng mga evacuees dahil sa banta ng lahar.
Binigyang-diin pa ni Salceda na ang mga ipinapakitang effort ni Sec. Gatchalian para sa mga taga Albay ay patunay na siya ay tunay na kaibigan.
Sa ngayon nasa 5,713 pamilya ang nasa evacuation centers at posibleng madadagdagan pa ito dahil sa banta ng lahar.