-- Advertisements --

Humigit kumulang 6.6 million households ang hindi kabilang sa mga bibigyan ng tulong sa ilalim ng social amelioration program sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay House Committee on Ways Means chairman Joey Sarte Salceda kalahati ng populasyon ng National Capital Region, CALABARZON, at Central Luzon ay hindi makakatanggap ng financial assistance.

Nauna nang nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang emergency cash subsidy na kanilang ibinibigay ay para lamang sa mga low-income families na apektado ng COVID-19 pandemic.

Nasa 18 million households ang tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 sa ilalim ng programang ito.

Inatasan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang economic team na pag-aralan ang rekomendasyon ni Cavite Gov. Jonvic Remulla na isama ang mga middle class families sa cash subsidy program ng pamahalaan.

Sa kanyang liham kay Pangulong Duterte, sinabi ni Remulla na walang pinipili ang public health crisis na ito.

Hindi lamang mga mahihirap aniya ang apektado sa sitwasyon kundi maging ang mga middle class families din.

Ayon kay Cabinet Sec. Karlo Nograles, pinag-aaralan pa ng economic managers ang implementation at source of funding ng proposal na ito ni Remulla.