Nanghihinayang ang beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa 7.1 percent growth ng ekonomiya ng Pilipinas noong 2012.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo kung nasayang nga lang ba ang 2012 growth year lalo na ngayong mayroong COVID-19 pandemic, sinabi ni Salceda na dapat ay nagamit ang mga kinita ng pamahalaan noong panahon na iyon sa mga social infrastructure.
Mula kasi nang maitala ang 7.1 percent growth noong 2012 ay nagkaroon naman ng primary surplus sa sumunod na tatlong taon.
Ang primary surplus ay tumutukoy sa sobra ng kinikita ng pamahalaan kumpara sa ginagastos nito, kabilang na ang mga binabayang interest.
Ayon kay Salceda, noong 2014 ang primary surplus ay pumalo sa P167 billion mula sa dating P53 billion lamang.
Kung gumastos lamang aniya ang pamahalaan noong mga panahon na iyon sa pagtatayo ng mga kalsada, hospitals at iba pa ay naging mas resilient pa sana ang bansa ngayong mayroong pandemya.
Kung nagiging masyadong kuripot kasi aniya sa public investments sa panahon na may naitatalang paglago ay nagiging limitado rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng sustained growth.
Gayunman, naniniwala si Salceda na makakabangon ang ekonomiya ng bansa sa kalbaryong idinudulot ng COVID-19 pandemic lalo pa at buhos talaga ang Duterte administration sa paggastos sa mahahalagang proyekto sa ilalim ng Build, Build Build program.