Kumalas na ang Australia mula sa extradition treaty nito kasama ang Hong Kong at nag-alok ng visa sa mga residente ng lungsod matapos ipatupad ng China ang national security law sa naturang teritoryo.
Inanunsyo rin ni Australian Prime Minister Scott Morrison na nakahandang magbigay ng visa ang bansa sa mga taga-Hong Kong na tatagal ng dalawa hanggang limang taon.
Ang hakbang na ito ay ginawa ng Australia bilang tugon sa pagpasa ng Hong Kong’s Legislative Co uncil sa kontrobesyal na batas nang hindi man lang daw kinokonsidera ang opinyon ng publiko.
Ayon kay Morrison, hindi tumigil ang gobyerno ng iba’t ibang bansa upang ipahatid ang kanilang saloobin hinggil sa national security law.
Posibleng makinabang sa bagong patakaran na ito ang halos 10,000 Hong Kongers na nasa Australia, tulad na lamang ng mga estudyante o mayroong temporary visa.
Una nang nagpahayag ang Britanya ng residency rights para sa 3 milyong Hong Kongers na British National Overseas passport holders na magbibigay ng karapatan sa mga ito para manirahan at magtrabaho sa United Kingdom sa loob ng limang taon.
Maaalala na China ang huling bansa na inalok ng “safe haven” visa ng Australia matapos ang karumal-dumal na Tianamen massacre noong 1989 kung saan mahigit 27,000 Chinese students sa Australia ang pinayagang mamalagi sa naturang bansa.