ROXAS CITY – Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko kaugnay sa sadyang pagsira, pagpunit, o pagsunog ng mga salaping papel at barya ng bansa,
Ito ay may kaparasuhang multa na hindi hihigit sa P20,000 o pagkabilanggo na hindi hihigit sa limang taon, ayon sa Presidential Decree No. 247.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Kristina Del Rosario, Administrative Services Officer III ng BSP-Capiz, sinabi nito na ang mga salaping papel at barya ng Pilipinas ay inalabas sa sirkulasyon upang gamitin bilang pambayad o panukli.
Pinagbabawal din ang pagsulat o paglalagay ng mga marka sa mga salaping papel at mga barya; sadyang pagpunit, pagsunog, o pagsira ng pera; at labis na pagtupi o paglukot ng mga salaping papel, na maaaring magdulot ng pagkalupaypay at pagkasira ng istraktura nito.
Ayon kay Del Rosario, kapag sobrang dumi at lukot na kasi ang pera ay mahirap na ito malaman kung peke o hindi ang pera.
Ipinaalala rin nito na huwag mag-staple ng mga salaping papel o magdikit ng anumang bagay sa mga salaping papel at barya, sapagkat ito ay maaaring makaapekto sa integridad ng istruktura ng mga ito.