BAGUIO CITY – Labis ang pagmamalaki ngayon ang lokal na pamahalaan ng Sabangan, Mountain Province.
Ito ay dahil ang Sabangan-LGU ang kauna-unahan sa buong Cordillera Administrative Region na naka-kompleto sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) assistance sa mga benepisyario.
Ipinaliwanag ni Municipal Local Government Operations Officer Caridad Basilio kung paano nila nagawa ang nasabing achievement.
Aniya, ang Sabangan ay mayroong 1,716 mga 4Ps at 2,031 non-4Ps na benepisyario ng SAP.
Inihayag niyang bumuo si Sabangan Mayor Marcial Lawilao ng apat na teams na binuo ng iba’t-ibang frontliners at nag-umpisa ang payout noong April 14.
Sinabi niyang bawat team ay nagtutungo sa dalawang barangay sa bawat araw at tinatapos nila ang pamamahagi ng tulong sa loob lamang ng isang araw.
Sinabi pa ni Basilio na naipamahagi ang mga cash assistance sa mga lugar kung saan mahigpit na ipinatupad ang mga quarantine protocols.
Nagpasalamat si Mayor Lawilao sa lahat ng nakiisa sa pamamahagi ng tulong sa ilalim ng SAP.